Naimbitahan akong maging commencement speaker sa aking mahal na high school alma mater. Biruin mo sa dinami-dami ng pwedeng imbitahin na maging speaker, ako pa na isang hamak na kupal lamang. Siguro naisip nila na magandang inspirasyon na ‘yung dating parang walang patutunguhan sa buhay e magkakaroon naman pala ng disenteng trabaho.
Pero di naman ako talaga ako bobong estudyante. Nagkaroon naman ako honor ‘nung highschool. Nalunod ‘yung talagang may honor, kaya no choice ako ang next in line. ‘Yun yung punto ng buhay na di mo alam kung magiging masaya ka ba o malungkot. Pinili kong maging masaya. [Oo masama na akong tao.]
Sampung oras akong nagmaneho pauwi sa probinsya namin. Wala pa akong karelyebo kaya pagdating ko para lang akong isang box office na pelikula sa Hollywood: Hangover The Sequel. Masaya ang lahat, lalo na ang mga guro. Sinong hindi magsasaya, sa wakas ga-gradweyt na din ang mga sakit ng ulo nila. Masaya din ang mga graduates. Pagkatapos nito, may lisensiya na silang magbabad sa tv maghapon magdamag, buong linggo at buwan.
My graduation thoughts: Gago din talaga ang nakaimbento ng graduation gown ‘no? Biro mo kahit lalake ka, required kang magsuot ng gown. Noong nag-aaral ka pa ang tino ng porma mo tapos kung kelan graduation pagsusuutin ka na para ka lang sinukluban lang ng kulambo.
Ilang minuto lang akong nagsalita. Ganun naman dapat ang speech parang si Ara Mina lang, seksi pero malaman. Para hindi mabato ang mga ga-gradweyt. Simple lang naman sinabi ko mga aral sa buhay na natutunan ko, na ‘pag sinunod nila magiging ok ang buhay nila:
1. Huwag mag-aasawa agad. Panira ng diskarte kung mag-aasawa ka na e wala ka pang trabaho. Hirap first, sarap later.
2. Sa buhay, kelangan ng konting angas. Konti lang naman. Walang magbubuhat sa sarili mong bangko kundi sarili mo din.
3. Tumulong sa magulang. ‘Pag tumulong ka sa magulang mo, para ka na ding tumulong sa bayan mo’. Astig di ba? Naisip ko lang ‘yan ilang minuto bago ako magsalita. Pwede pang gamiting pang-slogan making contest.
4. Pag may tiyaga, may nilaga. Tiyagain mong magtapos ng pag-aaral. Hindi mahalaga kung ano tinapos mo, ang importante may natapos ka. Kahit sabihin mong ikaw ang pinakamatalinong tao sa mundo kung wala ka namang diploma, kailangan mong tanggapin ang katotohanan na mahihirapan kang makahanap ng trabaho.
Masaya akong nakita ang mga dati kong guro. Masaya din sila at may nangyari namang mabuti sakin. Pinaalala nila ang mga kalokohang ginawa ko tulad ng pagbato ng encylopedia sa kaklase ko na pumaleng at nasapol sa mukha ang music teacher ko. Andun din ‘yung teacher ko sa Values Education na muntik nakong ibagsak dahil tinaas ko ‘yung palda ng kaklase ko. Manyak days lang. Curious eh.
Ikaw, anong mga kalokohang ginawa mo noong highschool ka na naaalala mo pa?